Nangako ang gobyerno ng Pilipinas sa United Nations o U.N. na wawakasan na nito ang epidemya ng Human Immuno Virus o HIV pagsapit ng taong 2030.
Iyan ay sa pamamagitan ng pagpapaunlad at pagpapalaganap ng mga mekanismo na magkakaloob ng easy access sa testing, counseling at anti-retroviral medicines sa most-at-risk populations.
Ginawa ni Health Secretary Janette Garin ang mensahe sa ginanap na UN high level meeting on HIV/AIDS sa New York, kung saan inihayag niya na bagaman maliit lamang ang prevalence ng naturang sakit sa Pilipinas ay nakaaalarma naman ang pagtaas ng bilang ng mga kaso nito sa bansa.
Dagdag pa ng opisyal na kailangan ng gobyerno ang tulong ng local at international partners nito para mahinto ang pagkalat ng virus.
Inilahad din niya ang mga istratihiya na kasalukuyang ipinatutupad ng pamahalaan para labanan ang sakit.
Isa na rito ang pagdoble sa budget para sa National HIV program mula sa 300 million pesos noong 2015, patungo sa 600 million pesos ngayong 2016 kung saan ang gamit na pondo ay mula sa local resources.