Naghain ng panukala si Senator Christopher Go na ang layon ay malibre na sa entrance fee sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad ang mga matatalino ngunit mahihirap na mga estudyante.
Nais ni Go sa kanyang Senate Bill 1708 na i-‘waive’ na ng private higher education institutions ang entrance fee sa mga kabilang sa Top 10 ng kanilang batch sa high school.
“Bigyan natin ng oportunidad at insentibo ang ating kabataan na mag-aral mabuti para mailayo sila sa masasamang bisyo at bilang kapalit na rin ng paghihirap ng kanilang mga magulang na pag-aralin sila,” ani Go.
Nakasaad din aniya sa 1987 Constitution na dapat ay siguraduhin ng gobyerno ang karapatan sa de-kalidad na edukasyon sa lahat ng mamamayan ng bansa.
Puna niya kada taon ay pataas na lamang nang pataas ang halaga ng sinasabing de-kalidad na edukasyon kayat hindi na abot-kaya para sa mga estudyante na may limitasyon sa pinansiyal ang pamilya.
Ang panukala ni Go ay may titulong ‘Free College Entrance Examination Act of 2023.’