2 sundalo patay sa pananambang sa Davao del Norte

davao del norteDalawang sundalo ang patay matapos silang tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army sa Davao del Norte.

Ayon kay 28th Infantry Battalion commanding officer Lt. Col. Ramon Zagala, patungong Brgy. Calapagan sa bayan ng Lupon ang dalawang sundalo sakay ng motorsiklo.

Bigla na lang aniya silang pinagbabaril ng mga komunistang rebelde, dakong alas-6:45 ng umaga ng Biyernes.

Dagdag pa ni Zagala, hindi naman naroon ang mga sundalong iyon para sa isang misyon, sa katunayan ay naka-sibilyan lamang at hindi armado ang dalawa.

Sa palagay ni Zagala, tinatarget ng mga NPA ang mga sundalo na hindi naka-uniporme at hindi rin atmado.

Pawang mga miyembro ng peace and development outreach program teams pa aniya ang dalawang sudalo, at naroon lamang sila para bumuo ng isang komunidad.

Hindi na muna inilabas ang pagkaka-kilanlan ng dalawang nasawing sundalo na may ranggong private first class at corporal, dahil hindi pa nasasabihan ang kanilang mga pamilya.

Ani pa Zagala, hindi nila palalampasin ang ginawa ng mga rebelde at magsasampa sila ng kasong murder laban sa mga ito, kasabay ng mga operasyon laban sa kanila.

Read more...