Facebook, nagpaliwanag sa pagtanggal ng ilang mga posts

FacebookIpinaliwanag ng sikat at malaking social networking site na Facebook ang kanilang “Community Standards” matapos nilang tanggalin ang ilang mga posts ng mga mamamahayag at media groups kamakailan.

Ayon sa pahayag na ipinadala ng Facebook sa INQUIRER.net, ipinaiiral nila ang global Community Standards upang mapanatili ang “open and safe environment” sa kanilang website.

Anila, kahit sino ay maaring mag-report ng kahit anong content kung sa tingin nila ay nilalabag na nito ang kanilang standards.

Marami anila silang mga teams na nakakalat sa buong bundo na nagsi-siyasat sa mga report na ito oras-oras, araw-araw gamit ang iba’t ibang wika, at hindi mahalaga kung ilang beses inireport ang isang content dahil iisa lamang ang ginagawa nila sa ganoong sitwasyon.

Isang report lang aniya ay sapat na para tanggalin ang isang post o content na lumalabag sa kanilang polisiya, at nilinaw nila na kahit ilan pang reports ang matanggap nila sa isang content, hindi nila ito tatanggalin kung sumusunod ito sa standards.

Matatandaang ilang mamamahayag at grupo ang napagbawalang makapag-post ng status update matapos nilang mag-post tungkol sa mga kontrobersyal na isyu.

Kabilang dito ang journalist na si Ed Lingao na nag-post tungkol sa pag-libing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani na kalaunan ay tinanggal ng Facebook.

Pagkatapos noon, isang araw na hindi nakapag-post ng update si Lingao sa kaniyang Facebook account.

Tinanggal rin ng Facebook ang account ng Economic Journalists Association of the Philippines (EJAP).

Inamin naman ng Facebook na nagkamali sila sa kaso ni Lingao, at agad rin naman itong ibinalik sa ayos.

Ngunit sa kaso naman ng EJAP, nanindigan silang may paglabag ang grupo dahil ang Facebook account ay ginagamit lang dapat anila bilang personal profile.

Tinutulungan naman na ng Facebook ang EJAP kung paano maililipat ang kanilang account sa isang page at para gawing followers ang kanilang friends.

Read more...