Lilimitahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbiyahe sa ibang bansa ngayong taong 2023.
Sa panel interview, sinabi ng Pangulo na magsasagawa na lamang ng mga follow up ang kanyang administrasyon sa mga nakaraang biyahe.
Mula nang maupo sa puwesto noong Hunyo 30, naka-siyam na biyahe na ang Pangulo sa abroad.
Ito ay ang tatlong araw na state visit sa Indonesia noong Setyembre, dalawang araw na state visit sa Singapore noong Setyembre, anim na araw na working visit sa United Nations General Assemblye sa New York noong Setyembre, pagdalo sa F1 Grand Prix sa Singapore noong Setyembre, Association of Southeast Asian Nations Summits sa Cambodia noong Nobyembre, Asia-Pacific Economic Cooperation noong Nobyembre, Asean at European Union Summits sa Brussels Belgium noong Disyembre.
Agad na bumiyahe rin patungo ng China ang Pangulo sa pagbungan ng Enero 2023 para sa tatlong araw na state visit at ang isang linggong biyahe sa Davos, Switzerland para sa World Economic Forum noong nakaraang linggo lamang.
“Kaya’t ‘yung mga biyahe eh nabanggit mo na rin ay ‘yung mga biyahe medyo babawasan na namin for the rest of the year,” pahayag ng Pangulo.
“Ang dahilan ay kailangan namin balikan lahat ng itong mga nasimulan sa ASEAN, sa APEC, sa China, pati ‘yung pagpunta sa EU, sa Brussels, tapos itong biyahe dito sa Davos ay kailangan namin idetalye ‘yung aming pinag-usapan,” dagdag ng Pangulo.
Paliwanag ng Pangulo, mahalaga ang pagbiyahe sa abroad para maipaliwanag sa mga dayuhang mamumuhunan na handa na ang Pilipinas para sa mga potential investors.