Inatasan ni Interior Secretary Benhur Abalos si DILG -Pangasinan Provincial Director Virgilio Sison na ipaliwanag ang napa-ulat na harassment sa maybahay ng isang magsasaka ng sibuyas sa bayan ng Bayambang.
Ayon kay Abalos kagabi lamang niya natanggap ang ulat ukol sa ginawa ng mga tauhan ng Bayambang Police Station kay Marita Gallardo.
Napa-ulat na ilang beses na pinuntahan ng mga pulis si Gallardo matapos itong humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture sa usapin ng kapos na suplay at mataas na halaga ng sibuyas noong Lunes.
Sinabi ni Abalos na iniimbestigahan na ang pangyayari at aniya wala siyang utos na puntahan si Gallardo.
Hinala ng kalihim ginawa ito ni Sison base sa kanyang personal na motibasyon.
Una nang itinuro ng pulis si Sison na nag-utos para puntahan si Gallardo.
Magugunita na ibinahagi ni Gallardo sa Senado na nagpakamatay ang kanyang mister dahil sa labis na pagkalugi sa pagtatanim ng sibuyas at milyong-milyong pisong pagkakautang.