Marcos: Humarap sa Senate ‘sibuyas probe’ nakatikim ng panggigipit sa DILG, PNP

OSIM PHOTO

Matapos humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture ukol sa isyu sa suplay at presyo ng sibuyas, nakatikim ng diumano’y panggigipit ang misis ng nagpakamatay na magsasaka.

Ito ang ibinahagi at kinondena ni Senator Imee Marcos ang ginawa ng lokal na pulisya ng Bayambang, Pangasinan kay  Merlita Gallardo. Ayon sa senadora natatakot na sa mga otoridad ang mga magsasaka ng sibuyas sa kanilang lugar dahil sa ginawa kay Gallardo  na ‘binisita’ ng mga pulis sa kalaliman ng gabi. Aniya pinilit umano si Gallardo na pumirma na sa isang nakahandang salaysay ukol sa kanyang naging testimoniya sa Senado. Sa impormasyon ng senadora, sinasabing ito ay utos umano mula sa lokal na DILG at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Labis na ipinagtataka ni Marcos kung itinuturing ng rebelde si Gallardo. Sa mga dokumento naman na ibinahagi ni Marcos sa media, makikita na inatasan kahapon ng Pangasinan Provincial Office ang Municipal Local Government Operation Office ng Bayambang, Pangasinan para beripikahin ang mga naging testimonya sa Senado. Sa report naman ng Bayambang Municipal Police Station, tanging ang mister lang ni Ginang Gallardo ang nagpakamatay dahil sa lugi sa sibuyas at hindi limang magsasaka.

Read more...