P1.9 milyong ayuda sa mga dating rebelde, ibinigay ng NHA

Aabot sa P1.9 milyong pondo ang ipinamahagi ng National Housing Authority sa mga miyembro ng New People’s Army na nagbalik loob sa  pamahalaan sa Bohol.

Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, bahagi ito ng peace-building program ng kanilang hanay.

Pinangunahan ni NHA VII Regional Manager Engr. Hermes Jude D. Juntilo, na kumatawan kay GM Tai, ang pamamahagi ng P100,000 sa bawat isa sa 19 na dating mga rebelde sa Provincial Capitol ng Bohol sa Tagbiliran City.

Nabatid na ang mga sumukong rebelde ay galing sa mga bayan ng Alicia, Antequera, Calape, Carmen, Loon, Mabini, at Trinidad.

Tuluyan nang tinalikuran ng mga rebelde ang kilusan para mabago ang kanilang pamumuhay.

“The NHA, with the support of other government agencies and the local government units, is an instrument to help Filipinos to reach their dream of a peaceful and joyous life. We hope that the amount you received today can help you start anew for a better future for you and your family,” pahayag ni Tai.

Sa pamamagitan ng Administrative Order (AO) No. 10 ng pamahalaan, itinatag ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na naglalayong makabalik muli ang mga dating rebelde sa kani-kanilang lokalidad at mahikayat ang iba pang miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP), NPA, National Democratic Front (NDF), at iba pang mga katulad na magbalik-loob sa gobyerno.

Sa ilalim ng AO 10, naglabas ang NHA ng Memorandum Circular (MC) No. 2019-041, na pinagtibay ng MC No. 2020-061, kung saan ang mga dating rebelde ay maaaring makatanggap ng ready-to-occupy na mga pabahay, tulong-pinansiyal na nagkakahalaga ng P450,000 para sa pagpapatayo ng bagong bahay, o P100,000 na tulong-pinansiyal para sa pagsasaayos o pagpapaganda ng kanilang mga tahanan.

Noong 2021, ang NHA ay nauna nang mamahagi ng P1.6 milyong tulong-pabahay sa mga dating miyembro ng NPA mula sa mga bayan ng Antequera, Calape, Catigban, Guindulman, Loon, at Sevilla sa Bohol.

 

Read more...