Nasa 88 porsyento na ng mga police generals at colonels ang naghain ng courtesy resignation.
Pahayag ito ni Interior Secretary Benhur Abalos matapos hilingin sa mga matataas na opisyal ng PNP na magbitiw sa puwesto para bigyang daan ang ginagawang imbestigasyon na ilang pulis ang sangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Abalos, nasa 841 mula sa 954 na matatas na opisyal ang nagbitiw na sa puwesto.
“Bawat araw, ang bilang ng PNP officials (na nagbibigay ng courtesy resignation) ay patuloy na tumataas. Ito ay positibong manipestasyon na katuwang natin sila sa layunin ng pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na linisin ang kanilang hanay ng mga sangkot sa iligal na droga. Tunay ngang ito ay maituturing na ‘act of honor’,” pahayag ni Abalos.
“Ipinakikita lamang nito sa mga mamamayang Pilipino na ang mismong PNP ay sumusuporta sa layuning linisin ang hanay ng ating kapulisan upang makamit ang mas mataas na tiwala at kumpiyansa ng ating mga kababayan,” ayon sa kalihim.
Ayon pa kay Abalos, nakatanggap na ngayon ang PNP ng courtesy resignation mula sa 714 Police Colonels, 126 Generals at mula sa Inspector General ng Internal Affairs Service.
“Pinasasalamatan natin ang lahat na agad na rumesponde sa ating apila at sa pagtitiwala sa radikal na hakbang na ito. Dahil dito ay magkakaroon tayo ng pagkakataon na tanggalin ang mga ninja cops sa PNP,” ayon kay Abalos.
Umaasa si Abalos na magsusumite na rin ng courtesy resignation ang 113 iba pang senior officials ng PNP bago pa man magsimula ang pagrerebyu ng five-man advisory body at ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Ayon kay Abalos, ipinatutupad lamang niya ang pagnanais ni Pangulong Marcos na paigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga at kasama na dito ang paglilinis ng hanay ng PNP. Ayon sa Pangulo, kailangan talagang sibakin ang mga pulis na pinagsisilbihan ang mga sindikato ng droga imbis na ang pamahalaan at ang mga Pilipino.
“Sinisigurado lang natin na ang mga opisyal na nananatili sa atin ay maaasahan natin, nagtatrabaho para sa gobyerno at hindi nagtatrabaho para sa mga sindikato,” sabi pa ng Pangulo.
Pinasalamatan din ng kalihim ng DILG ang mga mambabatas, mga local chief executives at iba pang ahensya ng gobyerno na sinang-ayunan ang kanyang desisyon na linisin ang hanay ng kapulisan.
“Nakakatanggap kami ng suporta mula sa iba’t ibang grupo at kami ay nagpapasalamat. Lalo pang tumitibay ang aming kompyansa na ipagpatuloy ang laban sa iligal na droga upang isalba ang mga inosenteng Pilipino na nabibiktima ng salot na ito,” ani Abalos.