Bago ang state visit ni Pangulong Marcos Jr., sa China, naipadala na ng Senado ang resolusyon na kumokondena sa patuloy na pambu-bully ng China sa West Philippine Sea.
Ito ang ibinahagi ni Senate President Juan Miguel Zubiri at aniya ginawa nila ito para malaman ng Punong Ehekutibo ang labis na pagkadismaya ng mga senador sa panghihimasok at paghari-harian ng China sa WPS.
Dagdag pa nito, handa silang mga senador na magbigay ng payo kay Pangulong Marcos Jr., para maipaalam sa China ang kanilang saloobin.
Paglilinaw lang din ni Zubiri na hindi sila naghahanap ng away sa China kundi kailangan lang may manindigan sa mga isyu tulad ng ginawa ng Vietnam.
Sa pag-uusap nina Pangulong Marcos Jr., at Chinese President Xi Jinping napagkasunduan na sa mga mapayapang paraan reresolbahin ang mga isyu na nag-uugat sa agawan ng teritoryo sa WPS.