Globe nagbabala sa alok na tulong sa online SIM registration
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Pinayuhan ng Globe Telecom ang kanilang mga subscriber na huwag pansinin ang mga nag-aalok ng tulong para sa SIM registration.
Babala din ng Globe, iwasan ang pagbibigay ng anumang personal na detalye bilang proteksyon na rin.
Ginawa ito ng Globe dahil sa pagbaha ng mga alok online ukol sa alok na tulong para sa pagapapa-rehistro ng SIM, libre man o may bayad, kapalit ng mga sensitibong detalye gaya ng pangalan, larawan, valid ID, birthdate, cellphone number at tirahan.
Ayon sa Globe ang mga personal na detalye ay maaring magamit sa modus na ‘identity theft’ o pagpapapangap ng mga online scammers.
“Gusto naming paalalahanan ang aming mga customer na maging maingat sa ganyang mga uri ng mga alok at gamitin lamang ang mga official channels para sa pagpaparehistro ng SIM,” ani Irish Salandanan-Almeida, Globe Chief Privacy Officer.
Ayon pa kay Almeida na libre ang pagpaparehistro ng SIM at maari na rin itong gawin sa pamamagitan ng GlobeOne app.
Simula naman sa susunod na buwan, magkakaroon din ng assisted registration sites ang Globe para sa mga senior citizen, taong may kapansanan, mga buntis, at mga may-ari ng basic o feature phones.
Mayroong 87.9 milyong SIMs sa ilalim ng Globe network. Sa ngayon, mahigit sa 7 milyon ang nakaparehistro na.