Ibinunyag ng isang mambabatas na nagbabalak si President-elect Rodrigo Duterte na mag-bitay ng nasa 50 kriminal kada buwan, o kaya ay higit sa isa araw-araw sa kasagsagan ng kaniyang termino bilang pangulo.
Ayon kay incoming Quezon Rep. Danilo Suarez na sinabi ito ni Duterte sa kanilang pulong nila nina presumptive House Speaker Pantaleon Alvarez sa Davao noong Martes.
Aniya, hiningi na ni Duterte ang suporta ng mga mambabatas kaugnay sa pagbabalik ng death penalty, at ilan sa mga ito ang nagpahiwatig ng suporta dito.
Kabilang aniya dito si Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na napipisil na maging susunod na chairman ng House committee on appropriations.
Sinabi pa ni Andaya na dapat maglaan ang Kongreso ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga pasilidad na gagamitin sa pagbitay gamit ang lethal injection.
Una nang sinabi ni Suarez na nasa tatlo hanggang apat na buwan lang ang kakailanganin para muling maisabatas ang parusang bitay sa bansa.
Tinataya rin na sa pagpasok ng administrasyon ni Duterte, nasa 3,600 na kriminal ang nanganganib na mabitay.