Ipinanawagan ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagbuo ng task force na tutugis sa mga sangkot sa smuggling at hoarding ng mga produktong-agrikultural.
Aniya ang task force ay pamumunuan ng Department of Agriculture (DA) at kasama dapat ang National Bureau of Investigation (NBI).
“Obviously, there is a shortfall in supply of onions, but prices continue to climb even with the entry of additional supply in the market,” puna ni Gatchalian.
Paniwala ng senador may ilang indibiduwal o grupo na nagtatago ng mga sibuyas at nagmamanipula ng presyo.
Pagbabahagi ni Gatchalian na nakabili siya ng kalahating kilo ng sibuyas na halos P500 ang halaga.
“Hindi lang households ang natatamaan dito kundi pati mga maliliit na negosyante. Kailangang maimbestigahan ang issue ng smuggling sa bansa at masampahan ng kaso ang mga smugglers ng economic sabotage,” dagdag pa ng senador.
Sinabi pa nito na magpapatuloy lamang ang smuggling hanggang walang nakakasuhan na bigtime smugglers.