Importasyon ng sibuyas, tuloy na

 

BOC File Photo

Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang importasyon ng 21,060 metrikong tonelada ng sibuyas.

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Assistant Secretary Deputy spokesperson Rex Estoperez na nilagdaan na ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban ang importasyon ng fresh yellow and red onion.

Nasa 3,960 metrikong tonelada ng fresh yellow onion at 17,100 metrikong tonelada ng fress red  onion ang aangkatin ng bansa.

Ayon kay Estoperez, kinakailangang siguraduhin ng mga importers na makararating sa bansa ang mga aangkating sibuyas ng hanggang Enero 27.

Hindi aniya dapat na lumagpas sa Enero 27 ang mga imported na sibuyas dahil kinakailangan na masigurong mabibigyang proteksyon ang mga lokal na magsasaka ng sibuyas.

Sa kalagitnaan ng Pebrero hanggang sa buwan ng Mayo inaasahang papalo ang peak ng pag-aani ng sibuyas ng mga magsasaka sa bansa.

Umaasa si Estoperez na kapag naging sapat na ang suplay ng sibuyas sa bansa, babalik sa P150 hanggang P200 ang presyo sa merkado gaya nang naitala noong buwan ng Setyembre.

Kaya aniya tumaas ng husto ang presyo ng sibuyas dahil sa holiday season noong Pasko kung saan tumaas ang demand sa merkado.

Read more...