Sobra-sobra ang ginawang importasyon ng karne ng baboy noong nakaraang taon at labis na ipinagtaka ito ni Senator Cynthia Villar.
Sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Agrculture sa Senado, ibinahagi ng senadora ang datos mula sa Bureau of Animal Industry (BAI), 1.73 milyong kilo ang naging pangangailangan ng karne ng baboy sa bansa noong 2022 at ang lokal na produksyon ay umabot sa 1.69 milyong kilo ayon naman sa Philippine Statistics Authority (PSA).
At ang bansa ay umangkat ng 724,532 kilo na nagresulta sa sobrang 686,881 kilo at ayon kay Villar labis na naapektuhan nito ang lokal na industriya.
Tinanong ni Villar si BAI officer-in-charge Paul Limson ukol sa ‘surplus importation’ at hindi nagustuhan ng una ang sagot ng huli dahil sa lumabas na inaprubahan ang labis-labis na importasyon dahil sa kagustuhan ng mga ‘kliyente.’
Dagdag pa ni Limson na inabutan na lamang niya ang importasyon dahil ilang buwan pa lamang siya sa puwesto.
“I just want to ask the director of the BAI. Sino nagturo sa’yo na basta magi-import kung may gusto mag-import? Wala kang pakialam, magi-issue ka ng import permit. Sino nagturo niyan sa’yo? Ngayon ko lang nadinig ‘yan,” ang may pagka-irita na sinabi ng senadora.
Dagdag pa niya; “Di ba common sense ‘yon? Bakit ganyan ang mentality mo? Wag kang gaganyan sa akin. Bakit mo tinanggap ang posisyon hindi mo pala mahal ang livestock industry ng Pilipinas? May doctorate degree ka, wala kang common sense.”
Hiniling din nito na magbitiw na sa puwesto ang mga opisyal ng kawanihan kung magpapatuloy ang kanilang diskarte na pumapatay aniya sa lokal na industriya.