Ipinaliwanag ni Davao del Norte Rep. Antonio “Tonyboy” Floirendo Jr. ang pagiging top contributor niya sa kampanya ni President-elect Rodrigo Duterte.
Sa inilabas na pahayag ni Floirendo mula sa Paris, parang kapatid na ang turing niya kay Duterte at ito ang nagtulak sa kaniya para suportahan ang kandidatura nito bilang sunod na pangulo ng bansa.
Matatandaang sa isinumiteng statement of campaign expenditures, lumabas na nagbigay ng kabuuang P75 million bilang donasyon sa kampanya ni Duterte.
Ayon pa kay Floirendo, ang pagiging malapit nila ni Duterte ang dahilan rin kung bakit umatras siya sa pag-suporta kay Vice President Jejomar Binay.
Aniya pa, hindi naman niya nais na maisapubliko ang kaniyang kontribusyon kay Duterte, ngunit dahil nakasaad sa batas na kailangang pangalanan ang mga nag-donate, wala na siyang magagawa.
Nilinaw at tiniyak rin ni Floirendo na ang pag-donate niya ay “no strings attached,” at ginawa lang niya ito bilang taga-suporta.
Bukod din sa pareho silang taga-Mindanao, malakas rin ang paniniwala niya kay Duterte na tutuparin nito ang kaniyang mga pangako.