Umaasa si incoming Quezon Rep. Danilo Suarez na mabibigyan ng chairmanship sa 17th Congress ang kaalyado nitong si dating Pangulo at ngayo’y re-elected Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay Suarez, si Arroyo ay magiging asset ng Kamara kung mahahayaan siya na maipakita ang galing sa pagiging pinuno ng anumang komite.
Aniya, sa siyam na taong pagiging Presidente, hindi pa naman nagbabago ang environment at pananaw ni GMA sa economic policies at iba pang mga bagay.
Hindi rin umano siya masosorpresa kung hihingi si President-elect Rodrigo Duterte ng mga payong pang-ekonomiya kay Arroyo, lalo’t matagal nang magkakilala ang dalawa.
Matatandaang si Duterte ay minsan nang naging anti-crime adviser ni Arroyo noon.
At kung papaburan ng Korte Suprema si Arroyo at makapag-lagak ng piyansa, muling maipapamalas umano ng Pampanga solon ang kakahayan nito.
Naniniwala si Suarez na angkop kay CGMA ang House Committee on Economic Affairs o Committee on Trade and Industry.
Inamin naman ni Suarez na patuloy siyang nananalangin na makakalaya na si Arroyo sa lalong madaling panahon.
Si Arroyo ay nahaharap sa kasong plunder sa Sandiganbayan, kaugnay sa umano’y maling paggamit sa intel funds ng PCSO noong Pangulo pa siya ng bansa.