Mawawalan ng hindi bababa sa 59 species ng isda ang Pilipinas, kabilang na ang mameng, talakitok at maya-maya sa susunod na 15 hanggang 25 taon.
Ayon sa environmental group na Haribon Foundation, ito ang magiging bunga ng overharvesting at illegal fishing.
Ayon kay Haribon project manager Dr. Margarita Lavides, hindi na totoo ang kasabihan noon na hindi mauubos ang mga lamang dagat dahil ang totoo, nakaka-alarma na ang mabilis na pagkaubos ng mga ito, at nauubos na ang panahon para ito ay maaksyunan.
Aniya, unti-unti nang nawawala ang mga “common, wide-ranging, yet inherently large vulnerable reef fishes” na mayroong mga mahahalagang ecological roles.
Kabilang sa mga species na papunta na sa extinction dahil sa overpopulation, overharvesting at illegal fishing ay ang mameng o humphead wrasse, taungan o bumphead parrotfish, giant grouper o kugtong, African pompano o talakitok at mangrove red snapper na isang klase ng maya-maya.
Ang mameng na isa sa mga inihahain sa mga Asian restaurants ay napakamahal ng halaga na aabot sa libo kada isa.
Ayon sa isang research specialist ng Haribon na si Ditto de la Rosa Jr., ang mga ganitong klase ng ganitong isda ay mabilis lumaki ngunit mabagal mag-mature kaya hindi agad nakakapagparami.
Kadalasan rin silang hinuhuli habang bata pa kaya hindi na nabibigyan ng pagkakataong makapag-reproduce.
Isa naman sa nakikitang “short term solutions” ni De la Rosa ay ang pagpapatupad ng mga ordinansa ng mga lokal na pamahalaan na magre-regulate sa tamang pangingisda.
Ang Pilipinas ay may 2,248,400 na ektarya ng coral reefs na itinuturing na “rainforest of the seas,” na tirahan ng nasa 2,500 na species ng isda.
Ito ang dahilan kaya itinuturing na epicenter of fish diversity sa buong mundo ang Pilipinas kahit na 9 percent lamang ng total global reef area ang nasasakop ng ating bansa.