NTC Task Force masusing binabantayan ang proseso ng SIM Card Registration

Tiniyak ng National Telecommunications Commission (NTC) ang implementasyon ng SIM Registration Law. Sa kautusan ni NTC Officer-in-Charge Commissioner Ella Blanca B. Lopez binuo ang NTC Task Force on the implementation of the Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act. Sa nasabing kautusan, inaatasan ang NTC Task Force na masusing bantayan ang proseso na ginagawa ng mga public telecommunication entities (PTEs) para maipatupad ang SIM Registration Act at IRR nito. Kasama ding babantayan ang ginagawang hakbang ng mga telco upang matugunan ang mga isyu at problemang nararanasan sa proseso. Sa update ng mga telco na ipinasa sa NTC, iniulat ng Globe na umabot na sa 1,769,374 subscribers nila ang nakapagparehistro, sa Smart ay mayroong 1,019,207 subscribers at ang DITO ay 530,424 subscribers. “This is a priority legislation of PBBM for the protection of consumers from illegal activities such as scam and smishing. Bilin po ng ating mahal na Pangulo na ito pong proseso ay gawing madali para sa ating mamamayan.” ayon kay Lopez. Pinasalamatan naman ni Lopez ang mga ahensya ng gobyerno, PTEs, consumer groups at ang publiko sa kani-kanilang papel para sa IRR ng SIM Registration. tiniyak naman ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla sa publiko na wala silang dapat na ipangamba dahil ang SIM Registration Act ay hindi gagamitin sa state surveillance o ib pang kahalintulad na layunin. Ani Remulla ang kukulektahing mga datos ay sasailalim sa istriktong oversight at monitoring. Sinabi naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Margarita Gutierrez na tutulong ang DILG at Field Offices nito kasama ang Philippine National Police at iba pang law enforcement agencies sa pagbibigay ng suporta na kakailanganin ng DICT, NTC at iba pang ahensya ng gobyerno sa SIM Registration process. Habang sa panig ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sinabi ni Undersecretary Anna Mae Lamentillo na layunin ng SIM Registration Law na protektahan ang mamamayan sa mga scam na ipinadadala sa text. Narito ang mga link kung saan maaaring magparehistro ng SIM: – ditto.ph/RegisterDITO (DITO) – new.globe.com.ph/simreg (GLOBE) – smart.com.ph/simreg (SMART). Ang Republic Act 11394, otherwise o Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong October 10, 2022.

Read more...