(Courtesy: PCG)
Umakyat na sa 32 katao ang nasawi dahil sa pag-ulan at pagbaha sa Visayas at Mindanao regions dahil sa shear line.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, anim ang nasawi sa Region 5, tatlo sa Region 8, apat sa Region 9, 18 sa Region 10, at isa sa Caraga.
Nasa 24 katao naman ang naiulat na nawawala at patuloy na pinaghahanap ng search and rescue team.
Nasa 11 katao ang naiulat na nasugatan at nilapatan ng lunas.
Ayon sa NDRRMC, mahigit sa 4,000 na bahay na nagkakahalaga ng P41.8 milyon ang nasira.
Nasa P206 milyong halaga ng agrikultura at imprastraktura ang nasira.
Nasa 124,853 na pamilya o mahigit 486,000 katao ang naapektuhan ng pag-ulan at pagbaha.
Sa naturang bilang, nasa 56,000 katao ang nanatili sa 150 na evacuation centers.
Agad naman na nagpadala ng tulong ang Department of Social Welfare and Development at iba pang tanggapan ng pamahalaan.