Hinamon ni Acting Justice Secretary Emmanuel Caparas ang mga nag-aakusa na may mga midnight resolution at dinodoktor nya ang desisyon sa mga kaso sa loob ng kagawaran upang paboran ang ilang partido na patunayan ang kanilang mga bintang.
Ayon kay Caparas, normal na sa tuwing may ‘outgoing’ na opisyal ay palaging nalalagay sa kung ano-anong mga akusasyon.
Hamon ni Caparas, dapat na humarap sa kanya ang mga nag-aakusa at patunayan ang kanilang mga sinasabi.
Una nang nanawagan ang anti-corruption group na Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) kay President-elect Rodrigo Duterte na tutukan ang mga issue ng ‘resolutions for sale’ at ‘midnight resolutions’ sa DOJ.
Base umano sa kanilang impormasyon, ipinag-utos ni Caparas sa mga undersecretaries na ihinto na ang pag-iisyu ng mga desisyon hanggang June 3 at inatasan ang mga ito na mag-force leave upang mai-rewrite niya ang mga ruling kapalit ang ‘padulas’ o milyong pisong halaga.
Giit ni Caparas, ginagawa nya ang kanyang trabaho ng mahusay.
May ideya na rin umano sya sa kung sino ang nasa likod ng alegasyon na umano’y personal na interes lamang ang motibo ngunit hindi naman nya pinangalanan.
Aminado rin ang kalihim na may malalaki at kontrobersyal na kaso na nasa likod ng nasabing isyu.