500 pamilya na nasa lansangan at mga katutubo, binigyan ng pamasko ni Pangulong Marcos

 

Aabot sa mahigit 500 pamilya na nasa lansangan at mga katutubo ang binigyan ng regalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Personal na ipinamigay ng Pangulo ang regalo sa Open Ampitheater sa Rizal Park, Manila.

Ginawa ng Pangulo ang pamimigay ng regalo sa ilalim ng programang “Pangkabuhayan at Pamaskong Handog ng Pangulo.”

May mga laruan, damit at libro na natanggap ang mga bata.

Bukod sa regalo, binigyan din ng Pangulo ng pangkabuhayan ang mga benepisyaryo.

Binigyan din ng tig P10,000 ang bawat pamilya bilang panimula sa kabuhayan.

Sa ganitong paraan, magkakaroon ng sariling kita at matutustutsan ng pamilya ang kanilang mga pangangailangan.

Ayon sa Pangulo, sa kabila ng mga hamon sa bahay gaya ng nagdaang pandemya sa COVID-19, bagyo, lindol at iba pang kalamidad, hindi dapat na mawalan ng pag-asa ang bawat isa.

“Kaya’t kailangan naman, lahat sinasabi ko, kahit papaano kahit na naghihirap tayo ngayon, kahit mayroon pa rin pandemya nang konti, ‘yung ekonomiya ay dahan-dahan pa lang bumabalik at kahit papaano ay nakakaraos pa rin tayo, ngunit hindi mangyayari ‘yun kung hindi po tayo magtulungan,” pahayag ng Pangulo.

“Ito ‘yung aking sinasabi dati pa na lahat — dahil sa nakaraan, dahil sa mga pangyayari ay talaga naman tayong mga Filipino ay may pinagdaanan, ngunit naisagot natin, naharap natin lahat ng hamon na dumating dahil nandiyan ‘yung buhay ng Pilipino at tayo naman ay matibay, tayo naman ay matapang,” dagdag ng Pangulo.

Patuloy aniyang magsusumikap ang pamahalaan lalo na ang De partment of Social Welfare and Development para mabigyan ng maayos na pamumuhay ang bawat pamilya.

“Itong aming kaunting tulong sa inyo, hindi lang po ngayong Pasko. Alam niyo po, asahan po ninyo kayo ay ang laging nasa isip namin. Ito, itong mga DSWD dito, araw-araw ‘yan, 24/7 iniisip nila kung papaano namin kayong tutulungan, kung papaano pa ang aming pwedeng gawin para nga eh kahit papaano, kahit nakalampas na ‘yung Pasko, ‘yung New Year eh patulog pa rin ang aming tulong sa inyo,” pahayag ng Pangulo.

Maganda aniya na maipadama sa mga pamilyang nasa lansangan at sa mga katutubo ang diwa ng Pasko.

Kasabay nito, sinamantala rin ng Pangulo ang muling pagpapaanyaya sa publiko na bisitahin ang Palasyo ng Malakanyang.

Bukas aniya ang Palasyo tuwing alas 7:00 ng gabi hanggang 6:00 ng umaga para sa Simbang Gabi ng hanggang sa Disyembre 24.

May malaki aniyang Christmas tree at mga naglalakihang parol ang nakadisplay sa palasyo. Bukod ditto, sinabi ng Pangulo na mayroong libreng pagkain gaya ng puto bungbong.

Read more...