Siniguro ng Department of Health (DOH) na wala pang magaganap na paggiba ng mga gusali ng Dr. Jose Fabella Hospital sa Sta. Cruz, Maynila.
Ayon kay Dr. Lyndon Lee Suy, tagapagsalita ng DOH, hindi pa napapag-usapan ang sinasabi ng Save Fabella Movement para sa pag-demolish sa tinaguriang “Paanakang Bayan”.
Sinabi ni Lee Suy na nagtataka sila kung saan nakuha ng grupo ang impormasyon na isasarado at gigibain na ang Fabella Hosputal.
Gayunman, tiniyak ni Lee Suy na kung sakaling matuloy na ang paggiba sa nasabing ospital ay hindi mahihinto ang serbisyo sa mga mahihirap dahil dadalhin ang mga pasyente sa mga government run hospital tulad ng Philippine General Hospital (PGH), Lung Center of the Philippines, East Avenue Medical Center at Jose Reyes Memorial Medical Center.
Maging ang mga health workers na nagtatrabaho anya sa Fabella Hospital ay pansamantalang ilalagay sa mga iba’t-ibang government run hospital kaya hindi ang mga ito mawawalan ng trabaho.
Kapag nagawa na at operational na ayon kay Lee Suy ang bagong Fabella Hospital ay DOH Compound sa Rizal Ave, Sta Cruz ay babalik dito ang mga health workers na dinala sa ibang ospital upang ipagpatuloy ang kanilang serbisyo.
Bukod dito, pinawi rin ni Lee Suy ang pangamba na tataas ang bayarin kapag moderno at bago na ang gusali dahil pareho pa rin naman anya ang babayaran ng mga mahihirap na magpapagamot dito.