Puerto Galera, sisibol na bagong’MOTOurism” destination

Mahigit sa 500 motorcycle riders mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagtipon-tipon sa Puerto Galera, Oriental Mindoro kamakailan at nakibahagi sa selebrasyon ng ika-95 taon ng pagkakatatag ng bayan.

Sunali ang riders sa 1,ooo kilometer Mangyan Motorcycle Endurance Challenge (MMEC) ride mula Sabang Baywalk-Oriental Mindoro-Sabang Baywalk.

Sa kabila ng dilim at malakas na buhos ng ulan, pinagtagumpayan ng mga motorcycle riders ang naturang hamon.

Ayon kay Puerto Galera Mayor Rocky Ilagan, layunin ng MMEC na ipakilala ang Puerto Galera bilang susunod na destinasyon para sa motorcycle tourism o “MOTOurism.”

Giit ni Ilagan, angkop ang magagandang tanawin, ligtas na kalsada, at mababait na mamamayan ng Puerto Galera sa “MOTOurism” dahil tiyak na mag-eenjoy ang mga rider habang nagmomotor.

Umaasa rin si Ilagan na makatutulong ang mga sumali sa MMEC sa pagpapalaganap ng turismo ng Puerto Galera sa kanilang social media.

Aminado ang opisyal na kailangan pang paigtingin ang kanilang kampanya para bumalik sa normal  ang turismo ng isla na sadyang pinadapa ng COVID-19 pandemic.

Sinabi naman ng mga kalahok sa MMEC na bukod sa pagsubok sa kanilang katatagan ay layon din nilang tulungan ang Puerto Galera sa pag-promote ng mga tourist destinations nito kabilang na ang malinaw na tubig ng kanilang mga dagat at magandang tanawin ng kanilang mga bundok.

Bukod sa MMEC, iba’t ibang aktibidad din ang isinagawa para ipagdiwang ang anibersaryo ng Puerto Galera, kabilang ang  isang fluvial parade na dinaluhan ng mga mangingisda at mga patimpalak na nagpakita ng talento at galing ng kanilang mga residente.

Minsan nang hinirang ang Puerto Galera bilang isa sa mga “Best Islands in the World” ng ilang international travel websites.

Read more...