May 10 bilateral meeting si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang sidelines sa Asean-European Union Commemorative Summit na gaganapin sa Brussels, Belgium sa Disyembre 11 hanggang 14.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu, isang busy trip para sa Pangulo ang pagtungo sa Belgium.
Hindi lang aniya ang mga Filipino ang makikinabang sa biyahe ng Pangulo kundi maging ang Association of Southeast Asian Nations.
Kabilang sa mga makakapulong ng Pangulo ang mga kinatawan mula sa Belgium, Estonia, Czech Republic, Spain, Denmark, Germany, Poland, Finland, the Netherlands, at European Union.
Sinabi pa ni Espiritu na isa si Pangulong Marcos sa mga lider na magbibigay ng opening at closing remarks.
Dadalo rin aniya si Pangulong Marcos sa ibang Asean at EU officials sa press conference.
May nakatakda ring meet and greet ang Pangulo sa Filipino community sa Belgium.
Makikipagpulong din ang Pangulo sa business leaders para mahimok ang mga ito na magnegosyo sa bansa at makalikha ng trabaho sa mga Filipino.