P25M smuggled cigarettes nasabat ng BOC – Zamboanga
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Nakumpiska ng mga tauhan ng Water Patrol Division ng Bureau of Customs 0 Port of Zamboanga ang may P25 milyong halaga ng ipinuslit na sigarilyo sa bahagi ng dagat ng Sta. Cruz Island sa Zamboanga City.
Nagsasagawa kahapon ang mga tauhan ng WPD kasama ang mga tauhan ng Enforcement and Security Service – Customs Police Division ng maritime patrol sa nabanggit na lugar nang siyasatin ang MV Paris.
Nadiskubre sa naturang sasakyang pandagat ang 707 master cases ng mhga smuggled na sigarilyo.
Nabigo ang 11 tripulante ng naturang sasakyang pandagat na magpakita ng mga dokumento para sa mga sigarilyo.
Nabatid na nagmula ang MV Paris sa Pangutaran, Jolo sa Sulu, at patungo sana sa Barangay Baliwasan sa Zamboanga City.
Sinabi ni District Collector Segundo Sigmundfreud Barte Jr. na ang matagumpay na operasyon ay bunga ng inisyatibo ni Comm. Yogi Filemon Ruiz na mapaghusay pa ang ‘water assets’ ng kawanihan alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos Jr., na paigtingin ang kampaniya laban sa smuggling.
Sumasailalim na ang mga tripulante sa imbestigasyon at ‘profiling’ bilang paghahanda sa posibleng pagsasampa ng kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016.