Nakalusot na ang ad interim appointment ni Information and Communications Technology Secretary Ivan John Uy sa Commission on Appointments (CA).
Sa pagharap ni Uy sa CA, nabanggit nito magkatulad sila ng adhikain ni Pangulong Marcos Jr., sa usapin ng teknolohiya.
Aniya, target nila ang ‘digitalization’ ng mga sistema sa buong bansa.
Sinabi pa nito na sa pag-upo niya sa puwesto ang una niyang inasikaso ay ang isyu sa ‘connectivity lalo na sa mga malalayong bahagi ng bansa, sa Visayas at Mindanao.
Tinutugunan din aniya ng kagawaran ang ‘e-governance system’ para sa pagkakaroon ng ‘single transaction’ sa mga ahensiya ng gobyerno.
Samantala, ipinagpaliban ang kumpirmasyon sa ad interim appointment ni Trade Sec. Alfredo Pascual dahil sa pag-uusisa ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.
Tinanong ni Pimentel si Pascual ukol sa mga reklamo ng mga kawani ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) kay OIC Dir. Gen. Tereso Panga.
Sinabi ni Pascual na hindi niya alam ang mga reklamo at pinuna ni Sen. Imee Marcos ang paiba-ibang pahayag ng kalihim ukol sa isyu.