Customs Bureau nalagpasan ang November target collection pati 2022 target

Nahigitan ng Bureau of Customs (BOC) ang target sa kanilang koleksyon noong nakaraang buwan.

Sa inilabas na pahayag ng kawanihan, nakakolekta sila ng P76.77 bilyon, na mas mataas ng P16.176 bilyon o 26.7 porsiyento sa itinakdang target na P60.603 bilyon.

Mula naman Enero hanggang Nobyembre, nakakolekta na ang BOC ng P790.301 bilyon.

Itinuturing na itong makasaysayan dahil hanggang noong Nobyembre 11, naabot na ang target collection sa buong taon na P721.52 bilyon.

Ang naitalang kabuuang nakolekta mula Enero hanggang Nobyembre ay higit P68 bilyon o 9.5 porsiyentong lagpas sa naturang target.

Una nang nagpahayag ng kumpiyansa si Finance Sec. Benjamin Diokno sa BOC na mahihigitan ng kawanihan ang kanilang collection target.

Mapapagtakpan pa aniya nito ang kakulangan sa koleksyon ng ibang ahensiya.

 

Read more...