Kung magagamit ang ‘unprogrammed funds’ na nakapaloob sa 2023 national budget, maaring pumalo sa P6 trilyon ang pambansang pondo sa susunod na taon.
Ito ang sinabi ni Sen. Sonny Angara, ang namumuno sa Senate Committee on Finance, at aniya hindi pa kasama sa P5.258 trillion 2023 national budget ang ‘unprogrammed funds.’ Ang mga proyekto na nasa ilalim ng unprogrammed funds ay wala pa talagang pondo o hindi pa batid kung saan huhugutin o manggagaling ang pondo. Samantala, sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, napuna nito ang dagdag na P219 billion na alokasyon sa unprogrammed funds. Punto ni Pimentel, kung pagsasamahin ang ‘new programmed at unprogrammed funds’ sa 2023 budget, aabot na ito sa P5.8 trillion at kung isasama pa ang panibagong naidagdag na P219 billion sa unprogrammed funds, aabot na sa P6 trillion ang pondo sa susunod na taon. Tugon ni Angara, posible ito pero hindi pa masasabi dahil kailangan pang hintayin ang budget utilization sa susunod na taon.MOST READ
LATEST STORIES