Nanguna si dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino sa listahan ng may pinakamalaking ginastos sa kampanya sa hanay ng ma senatoriables.
Ito’y sa kabila ng pagkatalo niya sa senatorial race nitong 2016 elections, kung saan nasa ika-13 pwesto siya kasunod ni incoming Sen. Leila de Lima.
Sa isinumite niyang statement of contributions and expenditures (SOCE), nakapag-tala si Tolentino ng kabuuang P199,146,623.72 na gastos sa kaniyang kampanya.
Ayon pa dito, P67.1 million dito ay galing sa kaniyang sariling bulsa, at ang P131.98 million naman ay pawang mga kontribusyon.
Sinundan naman siya sa listahan ni incoming Senator Joel Villanueva na nakagastos ng kabuuang P163,787,074.02 sa kaniyang kampanya kung saan P159.9 million dito ay mula sa kontribusyon at P3.8 million ay galing sa sariling bulsa.
Pumangatlo naman si Senator-elect Sherwin Gatchalian na gumastos ng P157,077,338.63, at sinundan ni Sen. Ralph Recto na gumastos ng P131,867,403.89. Pareho nilang itinala na ang karamihan sa kanilang pondo ay mula sa kontribusyon.
Ang mga sumunod pa naman sa top ten na pinakamalaki ang naging gastos sa kampanya ay sina:
– outgoing Manila Vice Mayor Isko Moreno – P120,197,670.90; – incoming Sen. Richard Gordon – P119,420,789.92; – incoming Sen.Francis Pangilinan – P106,788,173.62; – incoming Sen. Risa Hontiveros – P99,897,714.87; – outgoing Senator TG Guingona – P92,305,966.82; – incoming Sen. Panfilo Lacson – P87,935,535.91.
Sa pagtatapos ng pasahan ng SOCE sa Commission on Elections (COMELEC), 34 na senatorial candidates lamang ang nag-sumite ng kanilang mga SOCE.