Iginigiit ng China sa Pilipinas na huwag nang ituloy ang kasong isinampa nito sa United Nations arbitral court, at sa halip ay idaan na lamang sa bilateral negotiation ang agawan ng teritoryo sa South China Sea.
Gayunman, hindi naman nila binanggit kung tatantanan na nila ang pagtatayo ng isla sa Spratly archipelago at ang pag-angkin sa Panatag shoal, bilang kapalit ng pakikipag-negosasyon.
Sa pahayag na inilabas ni Chinese Foreign Minister Wang Yi, sinabi dito na hinihikayat nila ang Pilipinas na itigil na ang paggamit ng arbitral proceedings sa isyu, at bumalik na lang aniya sa pakikipag-negosasyon kaugnay ng mainit na talakayin sa South China Sea.
“China urges the Philippines to immediately cease its wrongful conduct of pushing forward the arbitral proceedings, and return to the right path of settling the relevant disputes in the South China Sea through bilateral negotiation with China,” sabi ni Wang sa pahayag.
Inakusahan pa ng China ang Pilipinas na anila’y tumatanggi sa kanilang mga alok na makipag-dayalogo tungkol sa isyu.
Ilang beses na aniyang inalok ng China ang Pilipinas para idaan sa usapan ang maritime issues ngunit hindi aniya sila nakakatanggap ng anumang tugon.
Una na nilang sinabi na walang balak ang China na patulan ang proceedings ng arbitral court, kaya inaasahan na rin nilang papabor sa Pilipinas ang ilalabas na desisyon ng UN.
Sinisi pa nito ang Pilipinas sa pagpalala ng sitwasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Samantala, tumanggi naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) na mag-komento hinggil sa pinakahuling pahayag ng China.