Mga sindikato sa text scams, pinalalansag sa NBI
By: Chona Yu
- 2 years ago
Humihirit ang Action for Consumerism and Transparency in Nation Building sa National Bureau of Investigation na simulan na ang paglansag at pag-aresto sa mga kriminal na nasa likod ng text scams sa bansa.
Apela ito ng grupo sa napipintong implementasyon ng SIM Card Registration Act na una nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Jake Silo, Secretary General ng Action for Consumerism and Transparency in Nation Building, perfect storm para sa foreign at local syndicates ang pagpapatupad ng bagong batas para maisagawa ang perfect heist.
Magandang oportunidad kasi ito para sa mga kriminal na makapagsagawa ng massive fraud o malawakang pangloloko sa 2023 kapag naipatupad ang SIM Card Registration Act.
Hindi maikakaila ayon kay Silo na ngayon pa lamang ay bumubwelo na ang mga kriminal sa pagpapakalat ng sunod-sunod na text scams.
Sa ganitong paraan aniya, matutunton ang OTPs hanggang sa matumbok ang mga bank accounts ng mga biktima.
Kaya hiling ng grupo sa NBI, umaksyon na agad ngayon pa lamang.
Dapat aniyang arestuhin ng NBI ngayon pa lamang ang mga kriminal lalot palapit na ang panahon ng kapaskuhan.
Sa ganitong paraan din aniya, magbibigay ng mensahe ang NBI sa publiko na seryoso ang pamahalaan sa pagtugis sa mga online financial scammers.
Umaasa ang grupo na aaksyunan agad ng NBI ang kanilang hinaing para hindi na makapangbiktima ng iba.