Ito ang puna ni dating Akbayan Rep. Walden Bello, dahil magkakaroon ng kontrol si Duterte sa tatlong sangay ng gobyerno hanggang sa matapos ang kaniyang termino.
Ngayon pa lamang kasi aniya ay nakabuo na ng supermajority sa parehong kapulungan ng Kongreso, at pagdating ng 2019, mababakante ang anim na posisyon sa Korte Suprema na nangangahulugang siya na ang magtatalaga ng mga papalit dito.
Ayon pa kay Bello, hindi na kailangan pa ni Duterte na mag-deklara ng martial law o rebolusyonaryong pamahalaan dahil dito.
Dismayado ang dating mamababatas sa umuusbong na supermajority coalition sa susunod na Kongreso, gayong tatlo lang naman talaga ang miyembro ng PDP-Laban sa Kamara. Ito ay sina Pantaleon Alvarez ng Davao del Norte na inaasahang magiging sunod na House Speaker, Erik Martinez ng Valenzuela City at Jun Papandayan ng Lanao del Sur, habang tanging si Sen. Koko Pimentel lang sa Senado.
Dahil aniya sa nakakahiyang balimbingan ng mga miyembro ng Liberal Party para lang manatili ang kanilang pagiging chairman sa mga komite, naging mahina na ang oposisyon sa Kongreso.
Hindi na aniya niya masi-sisi ang publiko kung talampasan na ang tingin nila sa mga mambabatas dahil sa parang sarili lang nila ang kanilang iniisip.
Malapit na aniyang mabura ang check and balance sa mga ahensya ng gobyerno, kaya umaasa na lamang siya sa civil society para magbantay at maging oposisyon kay Duterte.
Sa tingin niya, maging si Duterte ay nagulat sa kung gaano kadali sa kaniya ang daan patungo sa kaniyang “virtual dictatorship.”