Pagtaas sa 28-year old disability pension ng mga beterano inihirit ni Sen. Jinggoy Estrada

Tatlong dekada na ang P1,000 – P1,700 buwanang pensyon ng mga beterano at ayon kay Senator Jinggoy Estrada panahon na para dagdagan ito kayat inihain niya ang Senate Bill No. 1480.

Sinabi ni Estrada na simula noong 1994 tumaas na ng 250 porsiyento ang mga pangunahing bilihin, kasama na ang mga pangangailangan ng mga beterano gaya ng mga gamot.

“Ang halaga ng isang libo noon ay P287 na lamang ngayon. Hindi na po sapat ang benepisyong tinatanggap ng ating mga beterano, lalo na sa harap ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pangunahing pangangailangan,” diin ng senador.

Kayat aniya ang dapat ay P4,500 na ang pinakamababang disability pension ng mga beterano at pinakamataas naman ay P10,000.

Kung agad magiging batas, mapapakinabangan pa ito ng 4,386 beterano, 204 sa kanila ay higit 100-anyos na at ang pinakamatanda ay 112.

Mapapakinabangan din ito ng 2,276 asawa ng mga beterano ng World War 2 at 795 dependents.

Nabanggit niya na kabilang pa sa mga nagsulong sa Senado noong 1994 ng RA 6948 ay ang kanyang ama, si dating Sen. Erap Estrada.

 

 

Read more...