Makikipagpulong ang Department of Health (DOH) sa Inter-Agency Task Force (IATF) para pag-usapan ang pagrebisa sa COVID 19 alert levels at itulad na lamang sa rainfall warnings ng PAGASA.
Nakatakda ang pulong sa darating na Disyembre 5.
“Ang main objective is to give a warning para alam ng public how they are going to respond based on their informed decision depending on the given alert level,” ani DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.
Paglilinaw naman ni Vergeire ang plano ay ayusin ang hangarin ng COVID -19 alert level system at hindi para baguhin ang ginagamit na mga pamantayan.
“Yung alert level system na ginagamit would still comprise of our risk case classification and healthcare immunization. Nakita natin nag-evolve na itong alert level system natin kung saan we gave more way to our healthcare immunization or hospital admission,” aniya.
Kailangan aniya na gumawa na ng plano ng mga gagawin kapag hindi naisabatas ang isinusulong na pagbuo ng Philippine Center for Disease Prevention and Control bill, gayundin kapag naibasura Public Health Emergency bill at magwakas na ang pinalawig lamang na state of calamity.