Babayaran ng pamahalaan ng Saudi Arabia ng 2 bilyong riyals ang sweldo ng may 10,000 overseas Filipino workers na hindi binayran ng naluging kompanya.
Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. magandang balita ito mula kay Saudi Crown Prince Mohammed bin Salmin para sa mga OFW.
Sinabi ng Pangulo na ginawa ni crown prince ang pahayag sa kanilang bilateral meeting sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation Summit na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
“Napakagandang balita talaga. At pinaghandaan talaga tayo ni Crown Prince. Kaya’t sabi niya ‘yung desisyon na ‘yan ay nangyari lamang noong nakaraang ilang araw at dahil nga magkikita kami at sabi niya ito ‘yung regalo ko para sa inyo,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na ang insurance na ang magbabayad sa mga OFW sakaling maulit at hindi mabayaran ang pinagtrabahuan ng mga Filipinong manggagawa.
Kabilang sa babayaran ng crown prince ang mga OFW na nagtrabaho sa kompanyang Saudi OGer, MMG, Bin Laden group, at iba pang construction firms na nagdeklara ng bankruptcy.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), kabilang sa makukuha ng mga OFW ang sweldo na hindi nabayaran noong 2015 at 2016.