Sen. Bong Go: ‘Win-win solution,’ pag-aralan sa importasyon ng mga isda

Sinabi ni Senator Christopher Go na kailangan ang ‘win-win solution’ sa isyu ng pag-aangkat ng libo-libong tonelada ng isda para mapanatag ang suplay sa bansa.

Ibinahagi ni Go na sa kanyang pagkaka-alam may ilang uri lamang ng isda ang aangkatin dahil sa pagpapatupad ng ‘closed fishing season’ ng Department of Agriculture (DA).

Paliwanag niya ang layon naman nito ay maiwasan ang ‘overfishing’ dahil mas magdudulot ito ng malaking problema.

“Ibig sabihin huwag munang mangisda para mabibigyan natin ng pagkakataon ang mga isda sa dagat na manganak at dumami pa. Kung sige-sige natin sila huhulihin darating ang araw na wala na tayong makukuhang isda sa dagat,” sabi pa ng senador matapos magbigay tulong sa mga biktima ng sunog sa Navotas City.

Samantala, hinikayat naman ni Go ang gobyerno na tugunan ang mga isyu ng mga mangingisda para naman bigyan proteksyon ang kanilang kapakanan at kabuhayan.

“Unahin po natin parati ang mga local fishermen, sila po ang mga mahihirap na isang kahig, isang tuka. Yung kinikita nila sa pangingisda yun po ang ang tinutustos nila sa araw-araw. Iyun po ang una nating proteksiyonan,” diin ni Go.

 

Read more...