10 eskwelahan sa QC, bigo na makapagsagawa ng face-to-face classes

 

Suportado ni Mayor Joy Belmonte ang 10 public high schools na nagpatuloy sa blended learning modality.

Pahayag ito ni Belmonte sa kabila ng utos ng Department of Education na ibalik na ang face-to-face classes sa buong bansa.

Kabilang sa 10 eskwelahan ang  Justice Cecilia Munoz Palma, Bagong Silangan, Batasan Hills, Balara, San Bartolome, Novaliches, Dona Rosario, Ismael Mathay Sr., New Era, at Emilio Jacinto.

Base sa ulat ng Schools Division Office-Quezon City (SDO-QC), kulang sa classroom at guro ang 10 eskwelahan kung kaya hindi na muna itinuloy ang pagbabalik sa face-to-face classes.

Ipinagpaalam na ng SDO-QC sa Department of Education na palawigin na muna ang blended learning modality.

“Lubos na sumusuporta ang Quezon City sa pagbabalik ng face-to-face classes pero batid din natin na mayroon pang mga suliranin na dapat muna nating masolusyunan. Dahil dito, mahigpit tayong nakikipagtulungan sa SDO-QC para alamin kung anu-ano pa ang mga pwede nating maitulong sa mga paaralan, lalo na sa 10 high schools na nag-extend ng blended learning,” pahayag ni Belmonte.

Tiniyak naman ni Belmonte na ipagpapatuloy ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng tablets at laptops na may kasamang internet allowance sa mga estudyante at guro.

“Tuluy-tuloy naman ‘yung pagpapahiram natin ng tablets sa mga bata, blended man ang klase o face-to-face, para makatulong sa pag-aaral nila. Gumagawa tayo ng paraan para makapag-face-to-face classes na rin sila sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Belmonte.

 

Read more...