Unang inihayag ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang kanilang matinding oposisyon sa importasyon ng 25,000 metriko tonelada ng isda hanggang sa darating na Enero.
“Nakakabahalang pangunahing pinanggagalingan ng ating inaangkat na isda ay China, ang bansang nangangamkam at laganap ang mga malalaking barkong pangisda sa ating karagatan. Doble insulto ito sa atin bilang isang arkipelagong bansa, sabi ni Pamalajaya spokesman Ronnel Arambulo.
Sinabi nito na ang mga imported galunggong ay karaniwang nahuhuli sa West Philippine Sea maging sa mga dagat ng Batangas, Mindoro at Palawan.
Inihayag ng gobyerno ang pag-angkat ng libo-libong tonelada ng ibat-ibang uri ng isda hanggang sa susunod na taon para may maipagbili sa mga palengke sa bansa.
Giit ng Pamalakaya, labis na maapektuhan nito ang kabuhayan ng mga lokal na maliliit na mangingisda.
Ayon kay Arambulo ang nararapat na gawin ng gobyerno ay suportahan ng husto ang mga maliliit na mangingisda.