Sinabi ni Senator Risa Hontiveros na kailangan ang pakikipag-ugnayan ng Malakanyang sa Kongreso para sa mga panukala na magiging daan para sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, gayundin ang paglikha ng mga bagong trabaho sa lahat ng panig ng bansa.
Kinakailangan ito, ayon kay Hontiveros, na maging bahagi ng bagong Common Legislative Agenda, kung saan kinikilala kapwa ng Malakanyang at Kongreso ang mga prayoridad na panukala sa pamamagitan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“Everyone is affected by inflation, but its worst effects are felt the most by low wage earners, as well as freelance workers, or those who have lost their jobs or livelihood. Dapat nang itaas ang sweldo ng manggagawa at mas maging aktibo tayo sa job creation sa buong bansa. Swift government response on those issues is needed, through new laws or executive issuances,” diin ng senadora.
Paliwanag pa niya kung ang salary hike at job creation ay magiging prayoridad sa lehislatura nakakatiyak na mabibigyan ito ng sapat na atensyon ng ehekutibo.
Puna niya sa halos 30 priority bills na kinilala sa huling LEDAC meeting noong Oktubre, hindi nakasama ang pagbibigay ng dagdag-sahod gayundin ang paglikha ng mga bagong trabaho.
“Let us not ignore the everyday struggles of our kababayans. Mas mabunga sana kung una sa agenda ng LEDAC ang paglikha ng trabaho, dagdag-sweldo, at ayuda sa mahihirap para may pambayad sila sa mas mahal na bilihin at utility services,” dagdag pa ni Hontiveros.