Blue Ribbon Committee report sa sugar importation fiasco sinang-ayunan sa Senado

Sinang-ayunan ng mga senador ang final committee report ng Blue Ribbon Committee na nagrekomenda sa pagsasampa ng mga kaso laban sa ilang dating opisyal ng Department of Agriculture (DA) kaugnay sa nabuking na planong pag-aangkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal. Ang mga iniekomendang makasuhan ay sina Agriculture Undersecretary  Leo Sebastian at ang tatlo pang pumirma sa Sugar Order No. 4 ng walang pahintulot mula kay Pangulong Marcos Jr., na nagsisilbi sa ngayon na kalihim ng kagawaran. Walang senador ang tumutol sa final committee report na inihain ni Sen. Francis Tolentino, ang namumuno sa naturang komite. Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel hindi na sila humirit pa ng pag-amyenda sa ulat dahil nakapagsumite naman na sila ng kanilang sariling ulat. Naninindigan ang minoriya na hindi na dapat inirekomenda na kasuhan ang apat na opisyal ng DA, bagamat aniya dapat ay imbestigahan si dating Executive Sec. Vic Rodriguez. Ayon naman kay Tolentino dapat ay maging bahagi ng committee report ang ‘minority report’ para sa pagpapadala nito sa ibang ahensiya ng gobyerno gayundin upang malaman ito ng publiko. Aniya nabigyan na ng kopya ang Department of Justice, Commission on Audit, Office the Ombudsman at Bureau of Immigration para sa kinauukulang hakbang na kanilang gagawin.

Read more...