Mamadaliin ni Pangulong Ferdinand “Bongbongg” Marcos Jr. ang pag-aayos sa mga nasirang tulay at iba pang mga ari-arian na sinira ng Bagyong Paeng sa San Jose de Buenavista, Antique.
Sa pagbisita ng Pangulo sa Antique ngayong araw, doble kayod aniya ang pamahalaan para agad na makabangon at makabalik sa normal na pamumuhay ang mga nasalanta ng bagyo.
“Kaya’t nandito kami para tiyakin iyan at nag-ikot kami ng helicopter, tiningnan namin kung ano ang mga nasira, iyong mga tulay, at gagawin namin kaagad lahat para mabalik, magamit man lang para naman matuloy ang pag-deliver, matuloy ang hanap buhay at makabalik na naman tayo sa normal bago tayo nagkabagyo ng ganito,” pahayag ng Pangulo.
Pinangasiwaan din ng Pangulo ang pamimigay ng financial assistance para sa mga magsasaka na aabot sa mahigit P177 milyon na mapakikinabangan ng 35,000 na magsasaka.
Nagbigay din ang pamahalaan ng P13 milyon para saa binhi ng palay na ipamamahagi sa mga magsasaka sa Antique.
Tiniyak din ng Pangulo na hindi maantala ang pag-deliver sa mga pangangailangan ng probinsya.
Asahan na aniya ng mga taga-Antique na kahit hindi siya madalas na makita sa lugar na binabagyo, ginagawa naman ng gobyerno ang lahat ng paraan para agad na matulungan ang mga biktima.
Hinangaan din ng Pangulo ang tibay at tapang ng mga Filipino.
Nakukuha pa kasi aniya ng mga Filipino na magbiro kahit may kalamidad.
“Masakit na ang lahat ng pangyayari mayroon pa tayong, maari pa tayong tumawa, iyan talaga ang tibay at saka tapang ng Pinoy eh, ganyan talaga tayo e. Kayat naman para naman hindi lang madaan sa tapang ang pag recover sa mga bagyo nandito po kami para tumulong,” pahayag ng Pangulo.