Lalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang executive order na gamitin ang lahat ng mga nakatiwangwang na lupa na pag-aari ng Republika ng Pilipinas at para maging government housing.
Ayon kay Office of the Press Secretary officer-in-charge Undersecretary Cheloy Garafil, pupulungin ng Pangulo ang mga opisyal ng bangko at iba pang financial institutions para tulungan ang Department of Human Settlements and Urban Development para isakatuparan ang planong pagpapatayo ng pabahay ng isang milyon kada taon o anim na milyon sa pagtatapos ng termino ng administrasyong Marcos.
Ipatutupad aniya ng EO ang Section 24 ng Republic Act Number 11202 na nag-aatas sa ibat ibang tanggapan ng gobyerno na suriin ang mga idle lands o mga nakatiwangwang na lupa na angkop para sa pabahay at rural development.
Aatasan ng Pangulo ang DHSUD, Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Land Registration Authority (LRA) na magsagawa ng imbentaryo sa mga lupa na tinatayang nasa 16,000 ektarya.
Ayon kay Garafil, sa ilalim ng bagong EOO, hindi na gagawa ang Pangulo ng mga bagong regulasyon bagkus ay ipatutupad lamang ang mga kasalukuyang batas.