Duterte, ipinagtanggol ng kaniyang tagapagsalita sa UN

 

Inquirer file photo

Pinabulaanan ng tagapagsalita ni President-elect Rodrigo Duterte ang bintang ng United Nations na pag-kunsinte nito sa pagpatay sa mga kawani ng media.

Kinondena kasi ng UN Rapporteur ang pahayag ni Duterte na hindi lusot sa mga pagpatay ang mga tiwaling mamamahayag.

Paliwanag ni incoming presidential spokesman Salvador Panelo, kung babasahin ang transcript ng press briefing, wala namang sinabi si Duterte na hinihikayat niya ang karahasan laban sa mga mamamahayag.

Ayon pa sa UN, ang pahayag na ito ni Duterte ay nagsisilbing pahiwatig para sa mga mamamatay tao na katanggap-tanggap ang pagpatay sa mga journalists sa ilang kundisyon at hindi sila mapaparusahan kung sakali.

Giit ni Panelo, mali ang pagkakaintindi ng UN tungkol dito, at sa katunayan aniya ay ayaw ni Duterte sa karahasan kaya nga siya pumasok sa peace talks sa mga rebeldeng komunista.

Dagdag pa niya, paparusahan ni Duterte alinsunod sa batas ang sinumang papatay, anuman ang motibo nito.

Ayaw aniya ni Duterte na humantong sa puntong pinapatay ng Pilipino ang kapwa niya mga Pilipino.

Read more...