Pagkakaroon ng 4th server noong botohan, inilutang ng kampo ni Sen. Marcos

 

Inquirer file photo

Maghahain ng electoral protest ang kampo ni Sen. Bongbong Marcos kaugnay sa pagkatalo niya kay Vice President-elect Leni Robredo.

Giit ng kampo ni Marcos, mayroong fourth o ikaapat na server na ginamit para mag-transmit ng boto noong May 9 elections.

Ayon sa head ng legal team ni Marcos na si Jose Amor Amorado, ang mga resulta ng botohan ay idinaan sa nasabing “4th server” o isang “queue server” imbis na direktang i-transmit sa server ng Municipal Board of Canvassers, Commission on Elections (COMELEC) server at transparency server.

Target umanong ihain ng kampo ni Marcos ang kanilang electoral protest sa June 28 na isang araw bago ang June 29 deadling ng paghahain ng protesta.

Paliwanag ni Amorado, hihilingin nila sa kanilang protesta ang pag-recount ng mga boto sa ilang lugar at isasantabi naman ang mga resulta sa mga lugar kung saan aniya malinaw na nagkaroon ng manipulasyon at dayaan.

Base aniya sa kanilang mga initial findings, lumalabas na sa pagitan ng alas-9 hanggang alas-10 ng gabi noong May 9, natalo si Marcos sa 1,689 na presinto, gayong ang karamihan dito ay mga balwarte ni Marcos tulad ng Leyte, Samar, Pangasinan at Cagayan Valley.

Hiniling na rin nila sa COMELEC na i-preserve at i-secure lahat ng servers at IT equipment na ginamit noong halalan.

Ayon naman sa political adviser ni Marcos na si Rep. Jonathan dela Cruz, hindi isinapubliko ang sinasabing fourth server o hindi naisailalim sa source code review.

Naniniwala sila na mayroon silang sapat na ebidensya para mapatunayang nagkaroon ng malawakang dayaan at manipulasyon ng boto noong halalan.

Read more...