Naiwasan sana ang panganib na hindi pagpapasakay ng European Union registered vessels sa mga Filipino seafarers kung hindi lamang nagpabaya ang Maritime Industry Authority (MARINA).
Ito ang paniniwala ni Sen. Risa Hontiveros at sabi nito; “The move is long overdue. Hindi dapat nagsasakripisyo ang mga kababayan nating manggagawa dahil sa kapabayaan ng MARINA.”
Aniya paulit-ulit na isyu na ang repormasyon sa training and development n mga marinong Filipino at walang ginawang hakbang ang MARINA.
Pinuri naman niya si Pangulong Marcos Jr., sa paunang hakbang na ginawa nito at umaasa siya na may magagawang agarang solusyon ang binuong task force.
Dagdag pa ni Hontiveros, maghahain siya ng resolusyon para makapagsagawa ng pagdinig ang Senado para sa ikakabuti ng kapakanan at proteksyon ng Filipino seafarers.
“Importante na makonsulta mismo ang mga seafarers natin at makasama sila sa lahat ng mga repormang gagawin, dahil sa huli, sila talaga ang apektado, kasama ang kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag pa ng senadora.
Napaulat na halos 50,000 marinong Filipino ang nanganganib na mawalan ng trabaho sa sinasakyang European vessels dahil sa pagbagsak ng Pilipinas sa European Maritime Safety Agency (EMSA) evaluation sa nakalipas na 16 taon.