Hindi natuloy ang pagsasapubliko ngayon araw ng resulta ng pangalawang awtopsiya sa itinuturong ‘middleman’ sa Percy Lapid slay-case.
Sinabi ni Justice Assistant Secretary Dominic Clavano IV, humingi pa ng isang araw na palugit si Dr. Raquel Fortun para matapos ang kanyang ulat ukol sa isinagawa niyang re-autopsy sa katawan ni Jun Villamor.
Bukas ng tanghali, ayon kay Clavano, mismong si Secretary Jesus Crispin Remulla ang magbabahagi sa publiko ng autopsy report.
Base sa resulta sa unang autopsy, heart hemorrhage ang ikinasawi ni Villamor at wala din itong ‘external / physical injuries.’
Humiling naman ang pamilya ni Lapid, na Percival Mabasa sa tunay na buhay ng re-autopsy at pinagbigyan ito ni Remulla.
Pinagdududahan na namatay si Villamor sa loob ng pambansang piitan sa Muntinlupa City ilang oras matapos lumantad si Joel Escorial, na inamin na siya ang pumatay kay Lapid noong gabi ng Oktubre 3.