Internet speed sa Pilipinas bumuti kasunod ng direktiba ni Pangulong Marcos sa DICT at NTC
By: Chona Yu
- 2 years ago
Bumilis ang fixed broadband at mobile median download speeds sa bansa, batay sa September Speedtest Global Index rankings ng Ookla.
Naitala sa 78.69Mbps ang fixed broadband median speed noong Setyembre mula sa 78.33Mbps noong Agosto, habang ang mobile median speed ay umakyat sa 22.54Mbps mula sa 22.35Mbps.
Bunsod nito, nasa pang-46 na ang Pilipinas mula sa 181 na bansa para sa fixed broadband at pang-85 mula sa 139 na bansa para sa mobile.
Mula naman sa 50 Asian countries, pang-14 ang Pilipinas sa fixed broadband at pang-29 sa mobile habang sa Asia Pacific ay pang-12 ang bansa sa fixed broadband at pang-17 sa mobile mula sa 46 na mga bansa.
Ang patuloy na pagbuti ng internet speed sa Pilipinas ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na makapagbigay ng mabilis at reliable internet connectivity lalo na sa malalayong lokalidad sa bansa.
Kamakailan ay pinangunahan ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy ang paglulunsad ng internet connectivity sa tatlong malalayong barangay sa Zamboanga City bilang bahagi ng “BroadBand ng Masa (BBM)” program.
Inaasahan din na sa pamamagitan ng satellite-based Starlink internet service ni Elon Musk ay bibilis pa ang internet sa Pilipinas. Inaasahang magiging available ito sa kalagitnaan ng 2023 kung saan prayoridad na bigyan ng koneksyon ang isolated at disadvantaged areas