Hiniling ni Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang agarang paglalatag ng programa para sa mga Filipino na mawawalan ng trabaho kapag ipinagbawal na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs.
Basa sa mga ulat, may 22,000 Filipino POGO workers sa kasalukuyan at maaring maapektuhan sa pagpapasara ng lahat ng POGOs.
Ayon kay Gatchalian ang kailangan sa ngayon ay detalyadong programa ng gagawing pagtulong sa mga maapektuhang manggagawang Filipino.
Kasama aniya sa maaring gawin ay ‘retooling’ at ‘upskilling’ ng kakayahan ng mga maaapektuhan.
Pagdiiin ng senador napakahalaga na handa na ang gobyerno sa mga gagawing hakbang at tulong sa agad pagkakaroon ng trabaho.
Isa aniya sa maaring gawin ng DOLE ay agad iugnay ang mga mawawalan ng trabaho na POGO workers sa business process outsourcing (BPO), na ngayon aniya ay lumalago.
Una naman nang tiniyak ng DOLE na naghahanap na sila ng mga pamamaraan para sa agarang pagtulong sa mga maapektuhan ng pagpapahinto ng POGO.