Iginiit ng Department of Education (DepEd) na mandatory na simula sa darating na Nobyembre 2 ang face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ngunit hindi sakop nito ang mga paaralan na nabigyan ng ‘exemption’ ng regional directors ng kagawaran, gayundin ang mga nakansela ang klase dahil sa mga kalamidad.
“All public schools across the country will be mandated to implement five days of in-person classes starting 02 November 2022,” ayon sa inilabas na pahayag ng DepEd.
Kaugnay nito, hiniling ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Phils., sa DepEd na isapubliko ang mga eskuwelahan na humirit na hindi muna tatalima sa kautusan.
Ayon sa grupo ng mga guro, nabigo ang mga gobyerno na resolbahin ang mga isyu, gayundin ang mga problema kaakibat ng pagbabalik ng lahat ng nag-aaral sa public elementary at high schools.
Marami sa mga isyu ang hindi pa pagiging ganap na handa ng mga eskuwelahan, maging ng mga kawani sa 100 percent face-to-face classes.